Sunday, November 15, 2015

PHOTO: Isa sa mga suspek sa Paris attacks, nakilala na!


PHOTO: Isa sa mga suspek sa Paris attacks, nakilala na!

Kinilala na ng mga otoridad ang isa sa pitong teroristang umatake na ikinasawi na 129 na katao sa Paris. Ayon sa French police, ang first attacker ay ang 29-anyos na si Omar Ismail Mostefai, na nakilala matapos matagpuan ang labi sa Bataclan concert hall.

Magugunitang inamin ng ISIS na sila ang responsable sa pag-atake sa apat na lugar sa Paris. Nabatid na patay ang walong suspek sa pag-atake. Sa mga biktima, mahigit 100 sa mga ito ay nasawi sa hostage siege sa Bataclan concert hall kung saan nasa gitna ng concert ang American rock band na Eagles of Death Metal nang magsimulang mamaril ang mga suspek.

Tatlo naman ang patay sa pagpapasabog sa gate ng Stade de France sa gitna ng friendly football match ng France at Germany. Bukod sa concert hall at football stadium, nagkaroon din ng pamamaril sa ilang mga bars sa central Paris.

Hindi pa matiyak ng mga otoridad sa France kung ilan ang mga suspek sa naturang terror attack ngunit mayroon pa umanong at large. Sinabi ng mga testigo na bago namaril ang mga attackers sa Bataclan concert hall, sumigaw ang mga ito na para sa Syria ang kanilang gagawin at Allahu Akbar o "God is greatest".

Isa sa mga attacker ay binanggit ang tungkol sa airstrikes na ginagawa ng France laban sa ISIS sa Syria. Ayon sa isang French reporter na nasa loob ng Bataclan concert hall nang maganap ang hostage siege, para silang mga ibon na pinagbabaril ng mga suspek na nakasuot ng itim at armado ng AK-47 rifles. Sampung minuto aniyang tuloy-tuloy ang pamamaril kung saan ang mga biktima ay nakadapa lang. Apat na beses pa aniyang nag-reload ng kanilang armas ang mga suspek.

Sa gitna ng hostage siege, nilusob ng mga naka-full battle gear na SWAT team ng France ang concert hall. Nabatid na nagdeklara na si French President Francois Hollande ng state of emergency at ipinasara ang border ng bansa habang nagpatupad din ng curfew.

Subscribe to get more videos :